
Finally. Mondo Marcos, the martial law babies anthology is coming out in February 2009 in time for the anniversary of the overthrow of the dictatorship. Two of my essays will be in the anthology. Frank, one of the anthology editors, also posted this on Facebook: a photo of me taken in Baguio City, a few weeks before I left the Philippines in 199_ and moved abroad.
Below is a poem I wrote in April 1991. I never got to finish it. Parts of it appeared in a different form in Dyaryo Filipino.
Kung sa hatinggabi may manggigising at magsasabing
may naghahanap sa akin at alam kong imposible,
walang nakakaalam sa kinaroroonan ko (nagbabakasyon ako
sa isang malayong kamag-anak), sandali lang akong magtataka
kung sino ang naghahanap. Pagkatapos
sasabihin ko, siya na nga, siya
na nga.
Kahit huwag mong ibigay ang numero ng bahay
ang pangalan ng kalye, ng baryo, ng bayan,
kahit probinsiya lang, hindi ito lokohan,
matatagpuan ka niya. Magtatanong siya sa munisipyo
kung saan po ba nakatira ang mga apelyido o pamilyang ganito.
Magbabahay-bahay siya at maliligaw hanggang makarating
sa tumana o aplaya o saan mang dulo at mag-uumpisa
na naman sa umpisa. Kahit bigyan mo siya ng maling impormasyon
o ibang direksyon, sa kadilima'y kakatok siya
susungaw sa bintana mo, sapagkat alam niyang bilog ang mundo
lahat natutunton. Wala kang puwedeng takasan.
Wala sa higpit ng kapit o tatag ng binti ang kaligtasan
niya. Isang gagambang nabaog ang kasaputan; lahat ng pata
kumakapit sa lahat ng direksyon. Sana may mga puwang o bitak
ang bato para, Ina ng Awa, may matuntungan, San Antonio,
patron ng nawawala, may makapitan. Subalit buhay ang kagubatan.
Ito ang magdedesisyon, ang diyos na mamimili
kung sino ang ililigtas at sino ang ipapahamak.
Bibitak ang kinatatayuan mo, bibigay ang mga bato
at padudulasin lahat. Dalawampu't dalawang taon
pa lang siya noon. Ngunit sanay na siyang magpaalam sa mundo.
Minsan may nangyari sa kanya sa daan. Naligaw na
nadukutan pa. Nakisakay sa ten wheeler na may kargang troso.
Nang abutin ng gabi, nakitulog na rin sa highway
kasama ng driver. Naghanap ng tuyong kahoy at nagsiga
sa gilid ng kalsada. Kinuha ang trapal sa trak, inilatag,
at ang dulo'y ibinalabal sa katawan. Ito
ang mga pinakamasasayang araw niya (para daw siyang pinaghehele
ng kanyang ama).
Hindi na mahalaga kung narating man niya ang tribu
o kung nakita niya ang barkada namin sa Atimonan
o sa iba pang mga kuwento -- kung nakita ba niya ang tiyahin niya
sa Albay noong dose anyos siya at naglayas at kinupkop
ng isang binatang pulis o sa mga susunod pang kuwento
kung narating ba niya ang isang walang pangalang isla
sa paghahanap sa kaibigan ng kapatid ng kaklase na isang
manikuristang nagnenegosyo ng itim na marmol sa Romblon --
hindi na mahalaga iyon, kahit walang paltos,
nakikita niya ang hinahanap niya. Ang mahalaga sa kanya
ay ang mga walang pangalang lugar, ang mga hindi kilalang mukha
na nakalutang sa ilaw ng bitbit na lampara, ang malungkot
na ngiti, na magtatanong sa kanya sa paos na boses,
"Magpahinga ka muna, amang. Mukhang pagod na pagod ka.
Dito ka na matulog."
(Pagkatapos ng maraming taon, nang ang lagusan sa dibdib niya'y nagbara na sa galit, at nagpunta siya para ialay ang sarili sa dambana ng bathalang itim na bato sa bundok, susubukan niyang sariwain ang bukal ng kamusmusan sa paraiso, noong hindi pa ginugulo ang lahat ng paglalakbay, salubsob, at armadong tanke...
Kayhiwagang ipinosas ako sa kasaysayan ng bayan, ang palad ko'y sumanib at natanikala. - Salman Rushdie, Mga Anak ng Hatinggabi)
Bago pa man ipagamot sa Hawaii ang kanyang ama
bago pa man magkaroon ng pagtatalo
kung dapat ba itong pauwiin sa Pilipinas
alam na niya na ang mga pangyayari sa buhay nilang mag-ama
ay itinakda upang sundan ang buhay ng dating Pangulo
at ng mga anak na isinilang sa rehimen ng diktadura.
Bago pa man dumating iyon, alam na niya kung kailan
at paano mamamatay ang kanyang ama.
Tuwing Linggo ng hapon, sa isang bayan sa Nueva Ecija
nanonood ng sine ang mga anak ni Meyor. Ipinatitigil nila
sa kalagitnaan ang pelikula at uutusang buksan lahat ng ilaw
para makahanap sila ng uupuan. Kapag okupado ang puwesto nila
sa gitna, pinaaalis ang mga nakaupo. Kadalasan,
dumarating pa lang sila, naglilipatan na ng upuan
ang mga manonood. Alam nilang kung sakaling katatawanan
o katatakutan ang palabas at hindi natawa o hindi napasigaw
ang mga anak ni Meyor, ingat na at baka masigawan ka pa ng,
Walang sisigaw! o kaya, Walang tatawa!
Kalauna'y naging paboritong laro na ito ng mga anak ni Meyor.
Tatalasan nila ang mga pandinig sa dilim, roronda,
at kapag may nahuling natawa o napahiyaw, tututukan
nila ng baril at palalabasin.
Wala namang nabalitaang sinaktan ng mga panahong iyon.
Kakaiba ang kamatayang nagaganap sa loob ng sinehan.
Parang 3-D silang rarapiduhin ng suntok ni FPJ,
babarilin ni Lito Lapid, at tatadyakan ni Robin Padilla.
Habang ang telon ay inaagusan ng dugo, hindi kikibo
ang taong bayan. Bubusalan nila ang kanilang mga bibig
iingatan kahit impit at sasabihin na lang sa sarili,
walang nakakatawa sa ginagawa ni Dolphy.
Hindi ito totoo. Pelikula lang ito.
Kaya mas box office pag drama ang palabas. Walang ingay
ang pagluha kapag inaapi si Nora Aunor,
ang imahen ng mga piniping pagdurusa, ang superstar
na pinaglihi sa Mater Dolorosa. Paglabas sa sinehan
at nakauwi na sa bahay ang mga tao, doon pa lang sila
bubunghalit ng tawa habang naghahanda ng hapunan
o mapapahagulgol habang nagkakape at matatakot
sa mga maligno kapag matutulog na.
Kung sakaling walang pambili ng hapunan
o pangkape man lang at kailangang mamaluktot sila
sa iksi ng kumot, tatandaan na lang nila:
Hindi ito totoo. Walang kakatwang nangyayari.
Pelikula lang ito. At aasa na lang sila na sana
Ate Guy, bukas
next picture na.